NAGA CITY- Muling naitala ang panibagong insidente ng looting na isinagawa ng mga residente sa mga tindahan sa Papua New Guinea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga ki Poldo Azucena, ang Bombo International News Correspondent mula sa Papua New Guinea, sinabi nito na aktwal nitong nakunan kung paano pinasok ng nasa humigit-kumulang 3,000 na mga sibilyan ngunit maituturing na mga oportunista sa naturang bansa ang mga tindahan. Kung saan, pinagkukuha ng mga ito ang mga laman ng shop kagaya na lamang ng mga pagkain mapabata man o matanda.
Ayon kay Azucena, maliban sa pangamba na baka pati ang kanilang kumpanya na pinagtatrabahuhan ay pasukin rin, marami umanong sumubok na batohin ito habang kinukuhanan nito ng video ang pangyayari sa lugar kung kaya’t labis na takot ang kanyang naramdaman.
Aniya, ang may-ari umano ng shop ay mga Chinese kung saan mayroon itong mga baril rason, upang masugatan ang ilan sa mga tao. Dahil dito, mas lalong nagalit ang mga oportunista kung kaya’t mas pwenersa ng mga ito na makapasok sa mga tindahan.
Kaugnay nito, nagkaroon naman ng rally ang mga kapulisan sa kataastaasang opisina ng gobyerno sa bansa dahil sa pagbabawas ng kanilang sweldo dahil sa tax. Dito rin, sinamantala ng mga oportunista ang paglo-looting dahil wala namang mga pulis na nakabantay.
Dagdag pa ni Azucena na malaking kalugihan rin ito sa mga negosyante sa lugar dahil ang iba umano’y sinusunog pa ang mga shops.
Samantala, kahirapan naman ang nasa likod ng ginagawang looting ng mga oportunista sa lugar dahil minsan, wala umanong nakakain ang mga ito sa isang araw.
Sa ngayon, bago pa man umano dumilim ay umalis na sila sa kanilang kinaroroonan bago pa man mayroong mangyaring hindi maganda sa kanila. Wala naman naiulat na mga pinoy na nasugatan sa pangyayari.