NAGA CITY – Aminado ang pamunuan ng Barangay Concepcion Grande, Naga City na hindi sapat ang nutrisyon na makukuha ng mga bata sa ibinibigay nilang pagkain sa mga feeding program na kanilang isinasagawa upang mapuksa ang malnutrisyon sa kanilang barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jerrold Rito, kapitan ng nasabing barangay, sinabi nito na ang talagang makatutulong sa kanila upang magkaroon ng maayos na kalusugan ay ang pagkakaroon ng masustansyang pagkain mula almusal hanggang hapunan.
Ito ay dahil ang mga pagkaing ibinibigay nila sa mga feeding program ay pandagdag lamang.
Kasabay ng kanilang feeding programs, tinuturuan din nila ang mga residente ng tamang nutrisyon na maaari nilang gawin sa loob ng kanilang mga tahanan.
Maliban dito, naghahanap din sila ng mga stakeholder na magsasagawa ng naturang event ngunit hindi lang isang araw kundi tuloy-tuloy o hindi bababa sa sampung araw na pagpapakain para sa kanilang target na benepisyaryo.
Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang kaalaman ng mga magulang pagdating sa wastong nutrisyon na dapat ibigay sa mga bata at hindi lamang simpleng pagkain kundi magkaroon din ng tamang nutrisyon mula sa kanilang pagkain upang makaiwas ang mga ito sa malunutrisyon.