NAGA CITY- Tinatayang umabot na sa 835 na pamilya ang inilikas mula sa lalawigan ng Camarines Sur dahil kay Bagyong Bising.
Ito’y bahagi narin ng pag-iingat sa posibilidad ng pagbaha, landslide at storm surge sa ibang bahagi ng lalawigan.
Sa datos ng Camarines Sur Provincial Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), napag-alaman na ang nasabing mga inilikas na pamilya ay mula sa 16 barangay sa 14 bayan sa nasabing lalawigan.
Kaugnay nito, patuloy naman ang monitoring ng PDRRMC at Provincial Incident Mangement Team (PIMT) sa mga posible pang ilikas na mga residente sa mga coastal at flood-prone area.
Samantala, dahil sa pagkansela ng mga biyahe patungong Visayas at Mindanao, umabot naman sa 112 na mga cargo trucks ang na-stranded sa Bato, Camarines Sur.
Kung saan, 12 dito ang nakabalik na sa kanilang point of origin sa tulong ng Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Office (LTO).
Ngunit, nabatid na apat mula sa 280 truck drivers at cargo helper na isinailalim sa antigen test ang nagpositibo sa COVID-19 at 13 ang nairehistrong close contact ng mga ito.
Sa ngayon, kasalukuyan nang nananatili sa Provincial LGU quarantine facility ang nasabing mga indibidwal at isasailalim muli sa RT-PCR test.