NAGA CITY- Determinado nang makauwi ng Pilipinas ang mga Pilipino naiipit ngayon sa kaguluhan sa Afghanistan matapos na tuluyang makubkob ng Taliban ang bansa.
Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Joseph Glenn Gumpal, na labing-isang taon ng nagtatarabaho sa Afghanistan, sinabi nito na patuloy ang kanilang paghihintay sa repatriation flight pauwi ng Pilipinas.
Aniya, wala pa namang mga untoward incident na nangyayari sa naturang bansa ngunit hindi na umano nila hihintayin pang lumala pa ang sitwasyon.
Dagdag pa ni Gumpal, iniiwasan na rin nilang lumabas ng kanilang mga bahay hanggang wala pang abiso ang embahada ng Pilipinas dahil na rin sa takot na baka mapag-initan sila ng mga Taliban militants na nagkalat na sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Kaugnay nito, medyo naantala naman ang pagdating ng repatriation flight dahil sa marami pa ring mga Afghans ang naghihintay sa Kabul airport para magbakasaling makaalis na ng kanilang bansa.
Nabatid na nakatakda sanang lumipad pauwi ng Pilipinas ang nasa 80 mga Pilipino ngunit kinasela ito dahil na rin sa kasalukuyang kaguluhan sa naturang paliparan.
Samantala, nagpasalamat naman ng pasasalamat si Gumpal kina Department of Labor and Employment Secretary Silvestro Bello III at Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa pagsisikap na makapagpadala ng repatriation flight para sa kapwa Pilipino na nasa naturang bansa.