NAGA CITY- Bagamat patuloy sa paglobo ang kaso ng COVID-19, tiniyak ng embahada ng Pilipinas sa Czech Republic na nasa mabuting kalagayan ang mga Pinoy sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ambassador Ombra T. Jainal, Ambassador ng Philippine Embassy sa Czech Republic, sinabi nito na sa kabila ng mga nagpositibo sa nakakamatay na sakit sa naturang bansa, wala pa naman aniyang naitalang Pinoy na nagpositibo sa virus.

Masaya rin nitong ibinahagi ang tungkol sa pagiging masunurin ng mga residente sa lugar hinggil sa ipinapatupad na regulasyon at ordinansa hinggil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 pandemic.

Dagdag pa nito na sa ngayon aniya wala pa silang repatriation sa lugar.

Samantala, siniguro naman nito na ang lahat ng mga pinoy sa naturang bansa ay covered ng insurance.

Ang lahat rin na mga Pinoy na nagtatrabaho sa bansa na mayroong probisyon sa kanilang kontrata, sakaling pauwiin, mismong kompanya ang magbabayad ng kanilang pamasahe.

Sa ngayon hindi rin aniya tumitigil ang embahada na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang matulungan ang mga Pinoy sa naturang bansa.

Samantala umabot pa lamang sa kabuuang bilang na 6,100 ang confirmed cases ng COVID-19 mula sa 131,000 na sinuri sa Czech Republic.