NAGA CITY- Nag-apela ng tulong sa Department of Foreign Affairs ang mga Pinoy sa Papua New Guinea para makauwi sa Pilipinas.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Ramon Sanchez Jr., chief engineer sa nasabing barko nakiusap ito sa pamahalaan na magpadala ng chartered flights para makauwi na ang mga Pinoy sa naturang bansa.
Sinabi pa nito na mas gugustuhin aniya nila na maabutan ng lockdown sa Pilipinas dahil mas mura ang gastusin dito kung ikukumpara sa New Guinea.
Ayon sa kaniya, kung mananatili pa roon ang mga Pinoy na wala ng trabaho sa kabila ng lockdown, magiging mahirap aniya ito para sa kanila.
Dagdag pa nito na mas mabuti pa aniya ang kaniyang kalalagayan dahil kahit wala itong natatanggap na sahod, libre naman itong nabibigyan ng pagkain ng kanilang barko.
Kung kaya pakiusap na lamang nila na mapag-isipan ito ng pamahalaan.
Sa ngayon, umaasa na lamang aniya sila na makakarating ang kanilang panawagan sa pamahalaan at sa magiging positibong tugon nito.