NAGA CITY – Pananambang sa dating kasapi ng Philippine Army Auxillary Group at dati ring kapitan sa Tinambac, Camarines Sur maging sa kasama nitong ginang pinaniniwalaang kagagawan ng mga rebeldeng grupo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Arvic Florece, Chief of Police ng Tinambac, Camarines Sur, sinabi nito na bago pa ang nasabing insidente nakakatanggap na ng death threat ang biktima na si Rey Alain Brugada mula sa mga rebeldeng grupo.
Aniya, isa sa mga tinitingnan nilang dahilan dito ay dahil sa pagiging aktibong kasapi nito dati ng Citizen Armed Force Geographical Units o CAFGU.
Inamin naman ni Florece na hanggang ngayon ay wala pa silang nakukuhang matibay na ebidensya upang patunayan ang nasabing alegasyon lalo na’t walang eyewitness na mismong nakakita sa pangyayari.
Maliban pa dito, hindi rin nila inaalis ang anggulo ng selos at love triangle sa insidente ngunit nilinaw naman ng opisyal na mababa ang tyansa na ito ang dahilan dahil pitong taon na umanong nagkakasama ang dalawa sa trabaho.
Ang tanging pag-asa na lamang umano nila na makakapagbigay linaw sa pangyayari ay ang kasamang ginang ni Brugada na si Mary Jane Mayhay na kasalukuyang nasa Intensive Care Unit sa Bicol Medical Center at patuloy pang nagpapagaling mula sa mga tama ng bala na tinamo nito dahil sa insidente.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang 17 basyo ng caliber 45 at 12 basyo naman ng caliber 40 na baril.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang isinagawang back tracking at forward tracking ng mga awtoridad upang malaman kung may nakahagip na CCTV cameras sa mga suspek na posibleng makapagtuturo sa kanilang pagkakakilanlan at kinaroroonan.
Hindi naman aniya sila titigil hanggat hindi nareresolba ang nasabing insidente at napapanagot ang mga may kagagawan ng krimen.