NAGA CITY – Nakatanggap ng bigas ang mga residente ng Mabolo, Naga City na naapektuhan ng sunog habang pinoproseso pa ang tulong mula sa City Hall.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Noel Constantino, Barangay Kapitan ng nasabing barangay, sinabi nito na isang bahay lamang naman ang na totally damaged at nadamay lamang ang iba.

Agad naman umano silang nakahingi ng tulong at asintensya kung kaya agad rin naman silang nakapag bigay ng bigas sa mga apektadong residente sa tulong na rin ng mga nag donate sa kanila.

Dagdag pa ni Constantino, sa ngayon pinoproseso pa ang tulong na magmumula naman sa City Government at mayroon na rin nangako na magbibigay pa ng asistensya para sa mga biktima ng sunog.

Ayon pa sa opisyal, nagpapaabot na rin ng pasasalamat ang mga naging biktima ng sunog sa tulong na ibinigay sa kanila.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang kapitan na palaging maging maingat at hindi mag-iwan ng anumang appliances na nakasaksak at dapat na isarado o ibaba ang breaker.

Ito’y dahil nang mangyari ang sunog sa kanilang barangay walang tao sa bahay na pinagmulan nito at mayroong naiwang nakasaksak na appliances na pinagmulan ng apoy.

Ayon pa kay Constantino, umalis ang mga tao sa bahay na walang kuryente at nakalimutan na alisin sa saksak ang mga appliances na pinagmulan ng sunog ng bumalik ang kuryente.

Agad rin naman umanong nagtulong-tulong ang mga kapitbahay nito na apulahin ang sunog bago pa man dumating ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection-Naga.