NAGA CITY – Ipinagbabawal na ngayon ang paglabas ng mga residente ng Japan sa ibang bansa batay na rin sa kautusan ni Prime Minister Fumio Kishida.
Isinagawa ang nasabing hakbang matapos na makapagtala ang bansa ng kaso ng Omicron variant.
Mababatid na una nang ipinagbawal ang pagpapapasok ng mga dayuhan sa bansa matapos na magpositibo ang isang lalaki sa nasabing sakit.
Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Myles Beltran, mula sa Tokyo, Japan, agad naman aniyang ipinag utos ng kanilang prime minister ang pagbabawal sa kanilang mga residente na lumabas sa bansa upang maiwasan na makahawa at mahawaan ng nakamamatay na virus.
Samantala, wala pa naman aniyang bagong anunsyo kung hanggang kailan tatagal ang kautusan ngunit batay na rin sa naunang ibinabang restrictions tatagal ito ng isang buwan.
Dahil dito, marami sa mga residente lalo na ang Pinoy ang nadismaya, lalo na sa mga nagbabalak na umuwi sa Pilipinas ngayon na papalapit na ang kapaskuhan.
Sa kabila nito, ang mga nagpopositibo naman aniya sa nasabing sakit o sa orihinal na strain nito ang hindi naman agad na dinadala sa ospital kundi pinapauwi muna at pinapa-isolate.
Kaugnay nito, ang mga health workers ang naghahanap ng bakanteng ospital kung saan pwede silang i-admit, habang ang mga kapamilya naman na na-expose sa pasyente ay kinakailangan na magsailalim sa RT-PCR test at mag quarantine sa loob ng isang linggo.
Sa ngayon, patuloy pa rin na pinag-iingat ang lahat ng naninirahan sa bansa bilang pagbibigay seguridad laban sa virus.