Isasailalim sa paraffin test o forensic na pagsusuri ang lahat ng mga sangkot sa naganap na putukan sa loob ng Senado ng Pilipinas noong gabi ng Miyerkules, Mayo 13, upang matukoy kung sino ang nagpaputok ng baril sa insidente.

Ayon sa tagapagsalita ng Philippine National Police na si Brig. Gen. Randulf Tuaño, isasailalim sa naturang pagsusuri ang lahat ng indibidwal na posibleng sangkot, kabilang ang mga tauhan ng Police Security and Protection Group (PSPG), mga miyembro ng Philippine Marine Corps na naka-deploy sa Senado, at mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).

Sa imbestigasyon, nakarekober ang mga awtoridad ng ilang basyo ng bala mula sa caliber 5.56 na riple, M16 rifle, at 9mm pistol sa ikalawang palapag ng gusali ng Senado kung saan naganap ang putukan.

Samantala, ipinaubaya na ng PNP sa OSAA ang pagbibigay ng opisyal na pahayag kaugnay sa ulat na si Senate Sergeant-at-Arms na si retired Maj. Gen. Mao Aplasca umano ang unang nagpaputok ng baril upang pigilan ang pagpasok ng mga armadong grupo.

Advertisement

Nilinaw rin ng pambansang pulisya na ang presensya ng mga pulis sa loob ng Senado ay bahagi ng “established security contingent” na nakaantabay para sa seguridad ng institusyon.

Dagdag pa ng PNP, ang Police Security and Protection Group ay inatasang magpanatili ng kaayusan, magbigay ng seguridad, at makipag-ugnayan sa iba pang kinauukulang awtoridad sa gitna ng mas mahigpit na seguridad sa naturang pasilidad.

Advertisement