NAGA CITY – Nakapagtala ang Municipal Disaster Risk Reduction Office nang Del Gallego, Camarines Sur nang mga pasahero at sasakyang stranded sa mga daan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Laurence Soha, ang Municipal Disaster Risk Reduction Officer 1 nang nasabing bayan, sinabi nito na mayroong 93 trucks at nasa 193 indibidwal ang stranded sa kanilang lugar dahil narin sa malakas na pag-uulan na dulot ng Tropical Depression Amang na tatawid sana sa ibayong isla tulad ng Catanduanes, Visayas at Mindanao.
Aniya, mula pa kahapon, Abril a-onse nagsimulang magpahinto o mag-hold ng mga motorista na dadaan sa border ng Del Gallego bilang paghahanda sa posibleng epekto ng nasabing Bagyo.
Dagdag pa ni Soha, papayagan lamang umano na muling makadaan ang mga motorista sa border ng Del Gallego kapag wala nang nakabanderang wind signal sa buong lalawigan ng Camarines Sur at sa iba pang mga kalapit lugar.
Sa ibang dako, patuloy naman ang close monitoring at pagbabantay ng Municipal Disaster Risk Reduction Office Del Gallego katulong ang Philippine National Police Del Gallego, Bureau of Fire Protection Del Gallego sa mga barangay na prone sa pagbaha, mga spillway at magin sa mga daan upang maiwasan ang mga aksidente dahil sa lakas ng ulan at makapagresponde kung kinakailangan.
Samantala, patuloy naman ang pagpapatrolya ng Philippine Coast Guard-Camarines Sur sa mga coastal area sa lalawigan nang Camarines Sur upang paalalahanan ang lahat ng mga residentes patungkol sa Bagyong Amang.
Ayon kay Reynaldo Aringo, ang Deputy Commander ng Coast Guard Station Camarines Sur, nakahanda umano ang deployable team ng PCG-CamSur katulong ang MDRRMO at PDRRMC ng nasabing lalawigan para sa pagmonitor ng kanilang mga lugar.
Kaugnay nito, mayroon naman naitalang stranded na pasahero sa may bahagi ng Pasaco port na kung saan aabot sa 24 na indibidwal habang 16 naman na pasahero sa may bahagi ng Tamban.
Maliban pa dito mayroon ding naitalang pagbaha sa mga lugar ng Magarao partikular sa San Isidro, San Juan gayundin sa may bahagi ng Calabanga, Camarines Sur.
Kaagad naman umanong isasagawa ang force evacuation kung sakaling kinakailngan na.
Sa ngayon, patuloy naman ang panawagan ni Soha sa lahat na mag-ingat at laging sumunod sa mga deriktiba na ipinapalabas ng Provincial Government ng Camarines Sur.