NAGA CITY – Nakatanggap na ng food packs ang humigit-kumulang 138 pasahero na na-stranded sa Pasacao Port dahil sa sama ng panahon dulot ng Bagyong Carina.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jeorge Bengua, alkalde ng Pasacao, Camarines Sur, sinabi nito na nakapagbigay na sila ng hot meals, tanghalian at hapunan sa nasabing mga pasahero.

Ayon pa sa alkalde na simula noong Lunes ay sinuspinde na ang mga byahe ng sasakyang pandagat mula sa kanilang lugar kaya tumutulong na ang kanilang mga social worker sa pag-accommodate sa mga stranded na pasahero.

Maging ang Coast Guard at PNP ay nakipagtulungan na rin para mabigyan ng kaukulang tulong ang mga nasabing indibidwal.

Sa kasalukuyan ay nasa loob na sila ng mga evacuation centers kung saan kumpleto ang mga pasilidad tulad ng lutuan, cr, maayos na tulugan, tent at iba pa na magagamit nila habang naghihintay sa pagganda ng panahon.

Aalisin din kaagad ang sea travel ban sakaling bumuti na ang lagay ng panahon at ligtas nang makabiyahe ang mga sasakyang pandagat.

Sa kabilang banda, magpapadala naman ng tulong ang LGU San Pascual, Masbate para sa kanilang mga stranded na pasahero sa nasabing pantalan, ito’y dahil karamihan umano sa mga na istranded ay byaheng San Pascual sa nasabing lalawigan.

Samantala, patuloy naman na magbibigay ng tulong ang LGU Pasacao sa mga stranded na pasahero hanggang sa bumuti ang panahon lalo na’t alam umano nila kung gaano kahirap ang ma-stranded ng ilang araw.