NAGA CITY – Ipapatupad ang red alert status ng mga uniformed personnel sa lungsod ng Naga, kaugnay ng Peñafrancia Traslacion Procession ngayong araw.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Police Brigadier General Andre Perez Dizon, Regional Director ng PNP-Bicol, sinabi nito na ang nasabing aktibidad ay hindi lamang basta-bastang aktibidad kahit pa ito ay religious activity.
Aniya, aabot sa 2,407 na mga kapulisan kasama na ang mga personnel ng Naga City Police Office at mga augmented personnel mula sa region habang ang force multipliers ay aabot naman sa lampas 3800 na security forces na ededeploy sa lungsod ngayon araw.
Sa mga susunod naman na mga aktibidad, inaasahan na dadami pa an mga ipapadalang security forces na posibleng umabot sa 5000, lalo na pagdating ng araw ng Fluvial procession.
Layunin umano ng mga ito na maiwasan ang anumang krimen o panatilihin ang peace and order, gayudin upang mag responde sa mga hindi inaasahang pangyayari, dahil hindi rin umano nila hahayaan na may mangyaring masama sa mga deboto at mga bisita.
Binigyan-diin rin ng opisyal na ang tanging layunin ng mga kapulisan ay upang tulungan ang pamahalaan ng lungsod, at ang simbahan na maging matagumpay ang pagdaraos ng nasabing selebrasyon.
Mahigit rin na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa mga kapulisan.
Samantala, nakipag-ugnayan naman ang PNP sa mga karatig na probinsya na dadaanan ng mga bibisita sa lungsod. Ito ay dahil ang iba umano sa mga bisita ang magsiside-trip o pupunta sa mga tourist destination sa Bicol.
Sa kabilang banda, mananatili naman ang mga augmented personnel sa lungsod hanggang sa ika-dalawampu’t tatlo ng Seytembre.
Sa ngayon, umaasa na lamang si Dizon na susunod ang lahat sa mga alituntunin mula sa traffic advisory, pagbabawal sa pagdadala ng mga patalim, at mga valuable items na hindi naman na dapat dalhin upang hindi mabiktima ng mga kawatan.