NAGA CITY – Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ang nangyaring engkwentro sa Lusiana, Laguna.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Public Affairs Office (DPAO), 2ID Philippine Army, Camp General Mateo Capinpin, sa Tanay Rizal, napag-alaman na rumesponde ang mga personahe ng 202nd Infantry Brigade kasama ang mga kapulisan kaugnay ng natanggap na ulat hinggil sa presensya ng NPA sa Barangay Dela Paz sa nasabing bayan.
Ngunit, habang nagsasagawa ng operasyon ang tropa ng pamahalaan, dito na nakaengkwentro ng mga ito ang tinatayang nasa pitong miyembro ng rebeldeng grupo.
Tumagal umano ng nasa 10-minuto ang palitan ng putok sa pagitan ng dalawang grupo na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga miyembro ng makakaliwang grupo.
Sa ngayon, naka high alert na ang tropa ng pamahalaan sa nasabing lugar para sa nagpapatuloy na pagtugis sa mga nakatakas na miyembro ng NPA.