NAGA CITY- Tila nagmukhang ghost town na ngayon sa Milan, Italy matapos ang biglaang paglobo ng kaso ng mga apektado ng novel coronavirus (COVID-19).
Sa report ni Bombo International Correspondent Rosa Satuito, sinabi nitong bagamat hindi pa naman gaanong malala ang sitwasyon sa pinakasentro ng Milan hindi tulad sa ibang mga lugar, ngunit dahil sa takot at pangamba ng mga tao kung kaya konti na lamang ang naglalakas loob na lumabas ng bahay.
Ayon kay Satuito, mahigpit din ang ipinapatupad na security measures sa lugar kung saan ipinagbabawal muna ang paglabas sa mga bahay at pagpunta sa mga pampublikong lugar.
Aniya, ang mga papasok sa trabaho at pupunta sa mga grocery stores lamang ang pinapayagang lumabas ngunit ipinagbabawal din ang pakikipag-usap sa mga tao sa labas.
Ang sinuman aniyang mahuli ng mga naglilibot na otoridad na hindi sumunod sa naturang mga polisiya ang pwedeng patawan ng multa at pagkakakulong ng dalawang buwan.
Kaugnay nito, ayon kay Satuito ang dating maganda at masyang lugar, ngayon tila nakakatakot na dahil sa nasabing insidente.
Samantala, ilan aniya sa mga residente ang nag-apela na rin gobyerno na ilibre na lamang ang mga face masks habang halos wala na rin aniyang mabili sa ngayon sa ilang mga supermarkets at grocery stores matapos magpanic buying ang mga tao.