NAGA CITY- Nakatakda nang bumiyahe ang mga Pinoy na na-stranded ngayon sa bansang India dahil sa coronavirus disease (COVID-19) crisis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rochelle Jane Jarabata, isang Filipino Tourist sa lugar, sinabi nitong Marso 6 nang dumating siya sa India at isang buwan lamang sana itong mananatili sa lugar ngunit biglang inabutan ng nag-lockdown dahil sa COVID-19.
Kaugnay nito, hindi na umano ito nakaalis pa sa lugar kung saan halos magdadalawang buwan na itong hindi nakakalabas sa tinitirhang bahay dahil sa mas pinahigpit na polisiya sa lugar.
Sa kabila nito, mayroon umanong dumating na military ship mula sa Oman para i-rescue ang mga stranded na turista sa India.
Ayon kay Jarabata, tatlong araw silang magbabiyahe papuntang New Delhi kung saan inaasahan ang kanilang pagdating sa port sa Mayo 7.
Habang sa Mayo 8 naman ang kanilang departure at inaasahang 15 araw silang babiyahe lulan ng isang barko pauwi ng Pilipinas.
Samantala, umaasa si Jarabata na makakauwi sila na ligtas sa bansa.