NAGA CITY – Inaasahan ng lungsod ng Naga ang pagdagsa ng milyon-milyong mga deboto mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas gayundin mula sa ibang mga bansa para sa isasagawang Traslacion Procession ngayong hapon kaugnay ng Peñafrancia Festival.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City police Office (NCPO), tiniyak nito na nakahanda na ang kanilang mga personahes para sa nasabing pagdiriwang.
Aniya, kahapon, Setyembre 7, 2023 nang dumating sa lungsod ang augmentation force mula sa Police Regional Office V na tinatayang nasa 1,200 uniformed personnel.
Maliban pa rito, dumating na rin sa Naga ang mga augmented forces mula sa 9th Infantry Division, Philippine Armyna tutulong din sa security monitoring at crowd control.
Dagdag pa ng opisyal, sisiguruhin ng mga kapulisan ang seguridad ng mga deboto, voyadores at iba pang mga dadalo sa malaking aktibidad ng lungsod.
Una rito, dakong alas-8 ng umaga kanina ng magsagawa ng road closure para sa final inspection lalo na sa mga mayor na kalsada sa Naga na dadaanan ng imahe ni Our Lady of Peñafrancia gayundin ni El Divino Rostro.
Ayon kay Bongon, binuhos umano ng mga kapulisan ang kanilang oras para sa mahigpit na paghahanda ng aktibidad kung kaya umaasa na lamang ang mga ito na walang magng problema sa magiging implementasyon ng security measures sa lungsod.
Sa ngayon, panawagan na lamang nito sa lahat na maging cooperative para maging mapayapa ang naturang pagdiriwang.