NAGA CITY- Inaasahang milyong mga deboto ang bubuhos ngayong hapon sa gagawing Fluvial Procession sa lungsod ng Naga.
Nabatid na nakasentro ngayon ang tema ng okasyon sa Year of the Youth kung kaya mga kabataan ang sasakay sa pagoda ni Nuestra Senora de Peñafrancia habang nasa 130-200 mga bangka naman ang hihila dito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ens. Bernardo Pagador, Jr. Station Commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-CamSur, kampante itong nasa mabuting kalagayan ang mga deboto na sasabay sa prusisyon sa tulong ng floating assets at iba pang water cluster na kinabibilangan ng PCG, Maritime Group, Philippine Navy at iba pang force multipliers.
Ang Fluvial Procession ang pinaka-highlight ng Peñafrancia festival kung saan mula sa Metropolitan Cathedral, ibabalik na muli ang mga imahe nina El Divino Rostro at Inang Peñafrancia sa Basilica Minore na idadaan sa Naga River.
Samantala, all-set na rin ang mangyayaring ‘Handog Pasasalamat ng Bombo Radyo at Star FM sa Penafrancia Festival 2019, free concert at free t-shirt mamayang gabi kung saan isa rin ito sa madalas inaabangan ng mga tao matapos ang nasabing prusisyon.
Ang Handog Pasasalamat ng Bombo Radyo ay taun-taong isinasagawa bilang pakikibahagi sa selebrasyon ng kapistahan ni Nuestra Senora de Peñafrancia.