NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa Diversion Road, Purok Ilang-Ilang 1, Barangay Silangang Mayao, Lucena City.

Kinilala ang biktima na si Joelan Nedua Revadulla, 34-anyos, residente ng Purok Ilaya, Pagbilao sa lalawigan ng Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang nagtitinda ng isda ang biktima sa nasabing lugar ng bigla na lamang aniyang pagbabarilin ang biktima ng dalawang suspek lulan ng isang motorsiklo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima resulta sa agaran nitong kamatayan.

Kaugnay nito, narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang fired cartridge cases ng caliber .45.

Samantala, nabatid na dati nang naaresto ang biktima noong 2017 dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga at nabatid rin na miyembro ito ng RAFI Drug Group.

Sa ngayon, kasalukyan pa ring nagsasagawa ng manhunt operation ang mga otoridad laban sa mga suspek na tumakas matapos ang naturang krimen.