NAGA CITY – Patay ang isang Collector matapos na aksidenteng magslide at mabangga ng isang motorsiklo sa Barangay Canda Ibaba, Lopez, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Gerald San Antonio Sala, 25-anyos, residente ng Barangay Concepcion, sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ng biktima ang Lopez Hundagua Road, gamit ang minamaneho nitong motorsiklo ng aksidente itong magslide dahilan upang mabangga ito ni Simeon Lopez Fortin Jr, 39-anyos, residente ng Barangay Talolong, sa nasabing bayan na mula naman sa kasalungat na direksyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa insidente, nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan para sa asistensya medikal ngunit sa kasamaang palad, tuluyan rin itong binawian ng buhay.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.