NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos mabangga ng truck ang isang motorsiklo sa Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Lee Llever, 29-anyos, residente ng Barangay Punta, San Vicente, Samar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, nabatid na habang tinatahak ng truck na minamaneho ni Arnold Bandoja, papunta sa Northbound nang kainin nito ang kabilang linya at mabangga ang motorsiklo na minamaneho ni Llever.

Kaugnay nito, sinasabing nakabangga pa ang truck ni Bandoja sa nakaparadang truck sa nasabing lugar.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa kaniyang katawan si Llever na agad naman na dinala sa ospital ngunit deklarado nang dead-on-arrival ng mga doktor.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.