NAGA CITY – Nagkalasog-lasog ang katawan ng isang motorcycle driver matapos na mabangga ng isang pampasaherong bus sa Maharlika Highway, Zone 7, Brgy. Palong, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Emanuel Marcaida, 30-anyos, isang aircon technician, residente ng Zone 5, Brgy. Malinao sa nasabing bayan.

Sa nakalap ng impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabagtas ni Marcaida ang southbound direction patungo sa lungsod ng Naga ng mabangga ito ng bus na minamaneho naman ni Ryan Bayog, 33-anyos, residente ng Tabuc, Mobo, Masbate.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad napag-alaman na kinain ng bus ang linya ng kasalubong nitong motor dahilan upang mabangga nito ang nasabing sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga nagkalasog-lasog ang katawan at motor ni Marcaida na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng nasabing bus para sa kaukulang disposisyon.