NAGA CITY-Patay ang isang motorcycle driver habang sugatan naman ang isa pa matapos na bumangga ang isang motorsiklo sa isang truck sa Maharlika Highway Brgy. Bautista, Labo, Camarines Norte.
Kinilala ang biktima na si alyas Jose, 24-anyos, residente ng Purok 5, Barangay Bautista, Labo, Camarines Norte habang ang sugatan naman ang kinilalang si alyas Juan, 23-anyos, residente ng Purok 5, Barangay Lag-on, Daet, Camarines Norte.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga ki Police Captain Lito Jueves, Deputy Chief of Police kan Labo Municipal Police Station, sinabi nito na habang binabaybay
ng truck na minamaneho ni alyas Juan ang daan galing sa bayan ng Daet papunta sa direksyon ng Labo, ng bigla na lang itong sinalubong ng motorsiklo na galing naman umano sa kasalungat na direksyon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na nag-overtake ang motorsiklo na minamaneho ni alyas Jose sa sasakyan na nasa harapan nito, dahilan upang aksidenteng mapasok nito ang linya ng kasalubong na truck at tuluyan na bumangga dito.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng seryosong mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na kaagad na dinala sa ospital para sa asistensya medikal pero sa kasamaang palad ay idineklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.
Samantala, nasugatan naman ang driver ng truck na sa kasalukuyan ay nagpapagaling pa sa ospital habang ang pahenante nito ay maswerte na walang natamo na kahit na anuman na sugat.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nangyaring insidente.