NAGA CITY – Isinailalim sa lockdown ang Municipal Hall Building ng bayan ng Lagonoy sa Camarines matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isang persona na nagkaroon ng close contact sa kanilang mga empleyado.
Kinilala ang naturang pasyente na si Bicol patient 4488, isang health worker at nagtatrabaho ito sa isang district hospital sa Partido Area.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay JB Pilapil, alkalde ng nasabing bayan, sinabi nito na close contact umano ang bagong pasyente ng kaniyang asawa na nagpositibo rin sa sakit batay sa isinagawang RT-PCR test habang nag-negatibo naman sa nakamamatay na sakit ang dalawang anak nito.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng alkalde na naka isolate na ang pasyente sa isang quarantine facility sa kanilang bayan at isinailalim na rin sa house lockdown ang residente ng mga ito.
Sa ngayon, patuloy pa rin umano ang isinasagawa nilang contact tracing para mahanap ang naging close contact ng pasyente.
Sa kabila nito, agad namang dinala sa mga quarantine facilities ang mga empleyado ng nasabing establishemento.
Ayon pa kay Pilapil, ginawa umano nila ang nasabing hakbang para mapigilan ang pagkalat pa ng nasabing sakit.
Dagdag pa ng alkalde na mananatiling naka-lockdown ang munisipyo hanggang sa mag-negatibo ang mga ito sa COVID-19, at isasailalim naman sa house lockdown ang residente ng pasyente hanggang matapos ang contact tracing.
Sa ngayon, patuloy pa rin umano nilang ipapatupad ang mga curfew kung saan ang mga establishemento ay maaaring mag-operate hanggang alas-9:00 ng gabi.