NAGA CITY- Isinailalim ngayon sa lockdown ang Municipal health Unit sa bayan ng Pili, Camarines Sur matapos mag positibo ang ilan sa mga health care worker dito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pili Mayor Tom Bongalonta, sinabi nito na dalawa sa kanilang mga health care worker ang nag positibo sa nasabing sakit kung kaya minabuti na lamang umanong pansamantala muna itong isailalim sa lockdown.
Ngunit tiniyak naman ng alkalde na hindi makakaapekto ang nasabing hakbang sa pangangailangan ng mga mamayan dahil pansamantalang ang health unit 1 muna ang bahala rito.
Samantala, sa kabilang dako patay naman ang isang Municipal Health Officer sa bayan ng Camaligan matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019.
Kinilala ang biktima na si Municipal Health Officer Dra. Maria Victoria Contreras-Renolayan.
Kaugnay nito nagpaabot naman ng pakikiramay ang lokal na gobyerno ng nasabing bayan habang patuloy naman ang kanilang pagpapaalala sa publiko na sumunod sa mga health protocols kontra sa nakamamatay na sakit.