NAGA CITY – Naka heightened-alert na ngayon ang Naga Airport kaugnay ng paghahanda para sa pagdagsa ng mga pasahero kasabay ng pag-alala sa Holy Week.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Jun Orbon, Officer-in-charge ng CAAP-Naga Airport, sinabi nito na sa entrance pa lamang mahigpit na ang isinasagawa nilang inspection sa lahat ng mga pasahero maging sa mga sasakyan na gamit ng mga ito.
Ang nasabing hakbang ay upang masiguro na walang makakalusot na anuman na ipinagbabawal na dalahin ng mga pasahero na posibleng magdala ng problema sa kanilang mga flights.
Maliban pa dito, iniiwasan rin umano nila ang anuman na aberya sa loob ng paliparan na posibleng magdala ng takot sa mga pasahero.
Fully booked na rin umano ang kanilang mga flights at inaasahan pa ng mga ito ang pagtaas pa ng bilang ng arrivals sa mga susunod na araw, habang nananatili naman sa normal ang departure flights sa kanilang area.
Sa kabila ng mga paghahanda na ito, inamin naman ng opisyal na hindi maiwasan na magkaroon ng kaunting problema lalo na pagdating sa pag-check ng mga bagahe.
Ito’y matapos na masira ang x-ray machine na ginagamit nila upang i-check ang mga bagahe ng mga pasahero mula pa noong nakaraang Marso 19 na nagpapatuloy pa hanggang ngayon.
Dahil sa pangyayari manual umano nilang chinicheck ang mga bagahe na nagdadala ng malaking inconvenience sa mga pasahero lalo na at kailangan nilang kalkalin ang mga ito, kung kaya pinayuhan nito ang lahat na mayroong flight gamit ang Naga Airport na magtungo na sa paliparan 3-4 hours bago ang kanilang flights.
Hangad rin naman ni Orbon ang kaunting pasensya at pag-intindi mula sa mga pasahero, ngunit binigyang diin naman ng opisyal na nagsagawa na rin sila ng aksyon upang masolusyunan ang nasabing problema.
Sa ngayon, magpapatuloy naman ang kanilang monitoring at pagbabantay sa labas at loob ng paliparan upang masiguro ang seguridad ng bawat pasahero.