NAGA CITY- Bumuo na ng Task Force ang lungsod ng Naga na tututok sa banta ng Novel Coronavirus.
Sa naging pagharap ni Mayor Nelson Legacion sa mga kagawad ng media, sinabi nitong tatawagin ang naturang grupo bilang Inspection Prevention Task Force.
Ayon kay Legacion, layunin nitong magsagawa ng information campaign sa publiko at mga preventive measures upang maiwasan ang pagpasok ng nasabing sakit sa lungsod.
Aniya, mas pahihigpitin nila ang pagbabantay sa lungsod lalo na ngayon na may naitala ng kaso ng namatay.
Nabatid na magiging parte ng nasabing task force ang Bicol Medical Center Infection Control Committee, City Health Office, City Events Protocol, and Public Information Office, Bicol Central Station, City Environment and Natural Resources at Pubic Safety Office.
Samantala, nagpaalala naman si Legacion sa publiko na huwag maniwala sa mga fake news na kumakalat hinggil sa nasabing sakit at kung sakali man umanong magkaroon siguraduhing galing ito sa verified at lehitimong source.
Ayon pa rito, kung may kumalat man na balita na may positive case na ng nCov sa lungsod siya mismo ang magpapalabas ng balita at hindi manggagaling sa iba.