Inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Naga ang Isarog International Hot Air Balloon and Music Festival 2026, isang makasaysayang kaganapan na naglalayong ipakita ang lokal na talento, kultura, at bagong turismo brand ng lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Bong Rodriguez, Lead Organizer and Chairman of QWK Group of Companies, sinabi nito na sa naturang festival, ang kaligtasan ng publiko ang pangunahing konsiderasyon. Ayon sa mga expert pilots, hindi paliliparin ang hot air balloon kung hindi ligtas ang kondisyon ng panahon, partikular sa lakas ng hangin at ulan. Sa kasalukuyan, hindi pa bukas sa publiko ang pagsakay sa balloon; tanging mga VIPs at sponsors lamang ang maaaring sumakay, depende sa kanilang kagustuhan at waiver.
Ayon pa kay Rodriguez, bukod sa hot air balloon, tampok din ang Music Festival kung saan ipapakita ang husay ng mga lokal na musikero, cosplayers, at iba pang performers. Layunin ng festival na palakasin ang lokal na ekonomiya at itaguyod ang bagong turismo brand ng Naga City sa pamamagitan ng tagline na “Come SOAR with Naga” (C-A-M). Ang “SOAR” ay kumakatawan sa sabay-sabay na paglipad at pag-angat ng Naga kasama ang mga karatig bayan.
Sa darating na Mayo 1, Naga City Day, nakatakdang gawing abot-kaya ang karanasan para sa mga lokal. Ang presyo ng tiket ay ₱100 para sa mga kabataan at ₱300 para sa mga nasa hustong gulang.
Ayon sa mga organizer, ang kasalukuyang festival ay isang soft launch*lamang bilang paghahanda sa mas malaking kaganapan sa Marso 2027, na inaasahang magiging full-scale international event na kasing-laki ng mga hot air balloon festivals sa Pampanga at iba pang lugar sa bansa.
Sa panayam, binigyang-diin ng mga opisyal na sa kabila ng krisis, mahalagang ma-stimulate ang lokal na ekonomiya. Ang festival ay hindi lamang makikinabang ang Naga City kundi pati na rin ang mga karatig bayan sa Camarines Sur at buong rehiyon ng Bicol. Mensahe naman nito sa publiko “Lilipad tayo kasama ang Naga, damay-damay sa oportunidad”.










