NAGA CITY- Nanawagan ngayon si Naga City Mayor Nelson Legacion sa Department of Health (DOH) na maging transparent sa pagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng impormasyon sa mga nabibiktima ng coronavirus disease (COVID-19).
Una rito, isang araw pa lamang ng ibalita ng lokal na pamahalaan ng lungsod na lahat nagnegatibo ang resulta ng mga Persons Under Investigation (PUI) sa Naga City.
Ngunit biglang nabulabog ang lungsod sa balita mula sa Department of Health na may isa ng positive case sa Naga City.
Sa naging pahayag ni Legacion, mahalaga na bukas ang naturang ahensya sa mga ganitong uri ng isyu lalo na at kailangan aniya ito para sa mas mabilis at tamang aksyon laban sa COVID 19 lalo na ang tungkol sa PUIs na naka-confine at mga pasyente na ipinapasailalim sa striktong home quarantine.
Nabatid na base sa patakaran ng Bico Medical Center (BMC), ang mga pasyente na direktang nagpakonsulta at naconfine sa naturang ospital ang hindi na nirereport sa City Health Office dahil sa physician-patient privilege.
Samantala, nakaloack down na rin ang subdivision sa Conception Pequeña, Naga City kung saan nanatili kasama ang lola na nasabing postive patient.
Sa ngayon, nananatili pa ito sa Bicol Medical Center habang nagpapatuloy naman ang contact tracing ng mga otoridad.