NAGA CITY- Nag-negatibo sa COVID-19 si Naga City Mayor Nelson Legacion matapos itong sumailalaim sa swab testing.
Sa naging pahayag ng alkalde, sinabi nito na matapos ilabas ang resulta ng Patient Bicol #26, pinayuhan sila kasama si Dr. Butch Borja at dalawa pa ng ilang mga doktor sa Bicol Medical Center (BMC) na magsailalaim sa naturang swab testing.
Ito ay bilang precautionary measure dahil sa kanilang exposure at mahalagang papel na kanilang ginagampanan sa laban kontra sa COVID-19.
Ayon pa dito, ito ay pagsiguro para hindi aniya sila makaapekto sa kalusugan ng iba lalo na sa mga Nagueñong nakakasalamuha nila sa araw-araw.
Kung maaalala, nang Miyerkules ng umaga, Abril 22 nagsailalim sila sa swab testing.
Ngunit kahapon, lumabas na ang kanilang laboratory result kung saan sinasabing negatibo sila sa naturang sakit.
Labis naman ang pasasalamat ng alkalde gayundin ang kaniyang pamilya sa magandang balita na kanilang natanggap.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang gagawing pagsilbi ng alkalde sa kaniyang mga kababayan at umaasa na malapit nang matapos ang krisis.