NAGA CITY- Kung pag-uusapan umano ang posibleng lifting ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lungsod ng Naga, kinumpirma ni Naga City Mayor Nelson Legacion na hindi pa handa ang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga sa alkalde, sinabi nito na ito’y dahil pa rin sa pagkakaroon ng ‘confirmed cases’ ng coronavirus disease (COVID-19) sa lungsod.
Ayon kay Legacion, nagpapatuloy pa rin ang swab testing sa mga pinaniniwalaang nagkaroon ng ‘close contact’ sa mga pasyenteng kumpirmado sa sakit.
Sa kasalukuyan, nananatiling naka-lockdown ang ilang mga barangay sa lungsod tulad na lamang ng barangay Dayangdang, Naga City Subdivision, sa parte ng Sampaguita Street at Waling-waling street.
Ayon dito, kailangang panatilihin ang pagpapatupad ng lockdown upang masigurado na ligtas ang lugar sa COVID-19.
Samantala, ayon sa alkalde mayroon na itong binuong grupo upang tumutok at bumuo ng mga ‘exit plan’ sa lokal na pamahalaan ng lungsod para sa mga posibleng susunod na gagawin kung sakaling mawala na ang banta ng nasabing sakit.