NAGA CITY- Masayang ibinahagi ni Naga City Mayor Nelson Legacion sa harapan ng mga empleyado ng City Hall na sa ika-apat na pagkakataon, muli na naman nakuha ng lungsod ang pagkilala bilang Top 1 overall most competitive component city sa buong Pilipinas.
Maaalala, ginawaran bilang Top 1 overall most competitive component city sa buong Pilipinas ang lungsod ng Naga kamakailan lang sa isinagawang Cities and Municipalities Competitiveness Index Awards 2024.
Sa naging mensahe ng alkalde, sinabi nito na ang mga naging dahilang kung paanong nakuha muli ng lungsod ang parangal ay matapos makuha ang 1st place sa Infrastructure, 2nd place sa resiliency, 2nd place sa economic dynamism kung saan, dati pang-apat lamang ang lungsod, habang 3rd place sa government efficiency kung saan dati ay pang lima ang Naga, at 3rd place rin sa innovation.
Ipinagmalaki pa ng nasabing alkalde na ito ang unang beses sa kasaysayan ng lungsod na sa sunod-sunod na apat na taon ang nakuha ng Naga sa nasabing pagkilala, na nagsimula noong taong 2021 hanggang sa kasalukuyang taon kung saan nagpapakita umano ito ng mabuting pag-gobyerno sa loob ng lungsod sa mga nagdaang taon hanggang sa ngayon.
Samantala, pinasalamatan naman ng alkalde ang lahat ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga department head at lahat ng mga empleyado ng pamahalaan sa mga tulong ng mga ito upang matalo ang nasa 116 component cities at mulang makuha ang Top 1.
Sa ngayon, hiling na lamang ni Legacion sa lahat ng empleyado ng LGU-Naga na huwag ng intindihin ang mga negatibong sinasabi ng iba at magpatuloy na lamang sa pagtutulungan para sa ikauunlad ng lungsod.