Naga City, naghahanda sa posibleng pagdagsaan ng mga tao sa paparating na Peñafrancia Festival sa kabila ng COVID-19 pandemic
NAGA CITY- Patuloy pa rin ang paghahanda ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga sa posibleng pagdagsaan ng mga bisita sa paparating na Peñafrancia Festival sa Setyembre sa kabila ng pagppapaliban ng mga malalaking aktibidad kaugnay nito dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa naging pahayag ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nitong mas makabubuti kung magdiwang na lamang ng naturang selebrasyon sa loob lamang ng kaniya-kaniyang bahay.
Ayon pa dito, malalagay lamang sa peligro ang buhay ng nakararami kung makikipagsapalaran pa sa pagbyahe sa pagpunta sa naturang lungsod habang may banta ng naturang virus.
Samantala, ayon naman kay Dr. Butch Borja, kailangan pa ring maging handa ang Documentation and Evaluation Team ng Health Emergency Respose Task Force dahil tiyak ang dami ng mga taong bibisita sa lungsod para yumuko sa imahe ng patron ng Bicol, Nuestra Señora de Peñafrancia.
Maliban pa ito sa mga nakasanayan na pagtitipon ng magkakapamilya mula sa iba’t-ibang rehiyon ng Pilipinas o maging sa labas ng bansa.
Sa ngayon, kung kinakailangan umano ng documentation and evaluation team na mag-adapt ng bagong estratehiya para sa mas organisadong sistema para sa mga returning reidents, ito ay kanilang gagawin upang masunod pa rin ang mga protocols na kailangang gawin para sa mga taong papasok sa lungsod ng Naga.