NAGA CITY- Kinokonsidera ngayon ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga ang hotel quarantine matapos maitala ang anim na panibagong kaso ng COVID-19 sa naturang lungsod.
Sa naging pahayag ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na ito ay para sa mga uuwi na mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) at mga Locally Stranded Individuals (LSI’s) na may kakayahang magbayad ng kanilang akomodasyon upang manatili sa hotel na irerekomenda ng Health Emergency Response Task Force (HERTF).
Ayon sa alkalde, bagama’t isa ang home quarantine sa mga inirerekomenda ng HERTF, magkakaroon pa rin muna ng evaluation at assessment sa mga bahay ng mga uuwing OFW’s at mga LSI’s upang matiyak na isolated sila at hindi makakahawa.
Ang naturang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Naga ay upang matugunan ang problema sa kakulangan ng mga quarantine facilities sa naturang lungsod.
Samantala, nanawagan naman ang alkalde sa mahigpit na pagsunod sa mga health protocols na ipinapatupad ng pamahalaan.