NAGA CITY- Nakatakdang isailalim ngayong araw sa State of Calamity ang lungsod ng Naga matapos magpositibo na sa African Swine Fever ang ilang barangay sa lugar.
Sa pagharap ni Naga City Mayor Nelson Legacion sa mga kagawad ng media, sinabi nitong nakatakdang pag-usapan ngayong araw sa regular session ng Sangguniang Panglungsod ang naturang usapin .
Ayon kay Legacion, kinakailangang maipatupad ang state of calamity para mas assess ang calamity fund na magagamit para sa naturang problema.
Kasabay nito, una nang isinara at kinansela ang operasyon ng Naga City Abattoir kung saan papayagan lamang ibenta ang mga karne na kinatay sa mga authorized slaughterhouse ng National Meat Inspection Service gaya ng Iriga City, Ligao City, Legazpi City at iba pang lungsod sa Bicol.
Una nang tiniyak ni Coun. Lito Del Rosario na maglalaan ng pondo ang lokal na pamahalaan para mabigyan ng tulong ang mga apektadong hog raisers.
Kung maaalala kahapon ng kumpirmahin ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Naga na nagpositibo na rin sa ASF ang ilang mga baboy mula sa mga barangay ng Cararayan at Pacol.