NAGA CITY- Itinuturing na nasa “moderate risk area” ang lungsod ng Naga gayundin ang lalawigan ng Sorsogon dahil sa COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, nagpatupad ng mga control measures laban sa pagkalat pa ng nakamamatay na sakit ang lokal na gobierno ng Naga.
Sa pagharap ni Naga City Mayor Nelson Legacion sa mga kagawad ng media, sinabi nito na kasali sa mga control measures ay ang Active case finding, Targeted mass testing, Enhanced contact tracing, Zonal asin Barangay Movement Restriction, Enhanced Border Screening, Stricter Enforcement of COVID rules and ordinances, at Intensified Health Education on BIDA PLUS.
Ayon sa alkalde, ang naturang hakbang ay para maiwasan na muling mailagay sa General Community Quarantine (GCQ) o Enhanced Community Quarantine (ECQ) an naturang lungsod.
Aniya, ito ay batay na rin sa naging pakikipag-usap nito sa Department of Health (DOH)- Bicol sa pamamagitan ni Dr. Rey Millena, Provincial Health officer ng Department of Health (DOH).
Kinumpirma rin ni Legacion na walang naitalang kaso ng virus sa lungsod ng Naga ngayong araw ngunit nagpaalala pa rin ito na sumunod sa mga patakaran para maiwasan ang lalo pang paglobo ng nakamamatay na sakit sa naturang lungsod.