NAGA CITY – Nanatiling naka-heightened alert status pa rin ang Naga City Police Office katulong ang iba pang security clusters para sa isasagawang Installation and Canonical Possession of the 35th Bishop at ika limang Arsobispo ng Caceres ngayong araw.

Kahapon, nagkaroon ng grand motorcade sa mga pangunahing kalsada ng lungsod ng Naga na mahigpit na binantayan ng pinagsamang pwersa ng PNP-Naga, PNP-CamNorte at PNP-Albay kung saan dumating si Archbishop-designate Most Rev. Rex Andrew Alarcon sa Minor Basilica at National Shrine of Our Lady of Peñafrancia kung saan nagbigay ito ng pagpupugay at paggalang sa patron ng mga Bicolano.

Ang nasabing grand motorcade ang maituturing na symbolic journey of entrustment para sa Imahe ni Our Lady of Peñafrancia at itinuturing na malaking kaganapan sa lungsod. Nagsimula ang nasabing motorcade sa bayan ng Daet sa probinsiya ng Camarines Norte papunta sa simbahan ng Saint Dominic of Guzman sa bayan ng Gainza papunta sa kasentrohan ng lungsod.

Kaugnay nito, libo-libong mga tao ang matiyagang nag-antay upang masilayan ang bagong Arsobispo ng Caceres kahit sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon upang ipakita ang kanilang suporta sa bagong Arsobispo.

Sa naging mensahe naman ni Archbishop Alarcon, nangako ito na mas lalo pang pagtitibayin ang kanyang pananampalataya at ibibigay ang isaang-daang porsiyento na commitment para sa pagsisilbi sa mga tao sa buong Caceres sa pamamagitan ng humility at devotion.

Samantala, malugod naman na sinalubong ng mga opisyales ng Lokal na gobierno ng Naga at Camarines Sur at iba pang mga religous group mula sa kalapit probinsya at mga lugar ang bagong Arsobispo ng Caceres sa pamamagitan ng isang Civic Reception.

Dumating rin kahapon at makikiisa ang mga obispo mula sa ibat ibang bansa kasama na rin si Archbishop Charles John Brown, ang Apostolic Nuncio to the Philippines na dumating kahapon sa Bicol International Airport para sa isasagawang Installation and Canonical Possession ng Archbishop-designate Most Rev. Rex Andrew Alarcon ngayong araw.

Magsisimula ang nasabing aktibidad mamayang alas 9 ng umaga sa Metropolitan Cathedral sa lungsod ng Naga.

Samantala, Inaasahan namang ang pagdagsa ng maraming tao upang tunghayan ang gagawing seremonya para sa pinakabatang naging arsobispo sa kasaysayan ng Archdiocese of Caceres, kung kaya mas magiging mahigpit pa ang pagbabantay ng mga otoridad upang maiwasan ang anuman na insidente.