NAGA CITY – Mayroon nang itinuturing na apat na persons of interest ang Naga City Police Office kaugnay ng paagpatay sa isang dalagita sa lungsod ng Naga.
Mababatid na binulabog ang nasabing lugar matapos matagpuang nasa state of decomposition na ang katawan ng isang 17-anyos na Senior High School Student sa isang bakanteng lote matapos maiulat na isang linggo nang nawawala.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt.Col. Dario Sola, Deputy City Director for Operations ng Naga City Police Office, sinabi nito na batay sa isinagawang otopsiya sa bangkay ng biktima lumalabas na ang pananakal dito o choking ang naging dahilan ng pagkamatay nito.
Pinasinungalingan din ng opisyal ang kumakalat na mayroong pinutol sa bahagi ng katawan ng biktima at sinunog pa umano ang mukha nito.
Aniya, kung titingnan umano ang insidente at kung magbabatay sa circumstancial evidence, naniniwala ang kanilang opisina na ginahasa ang biktima dahil na rin sa nakuhang underwear nito sa crime scene.
Ngunit inamin nito na mahirap para sa kanila na mapatunayan ito dahil na rin sa kalagayan ng katawan ng biktima na naagnas na nang matagpuan.
Sa ngayon, mayroon nang pabuyang inaalok na P100,000 si Naga City Mayor Nelson Legacion gayundin ang iba pang indibidwal para sa mabilis na pagresolba sa karumal-dumal na krimen.