NAGA CITY- Halos mapatalon na lamang umano sa tuwa ang 5th placer ng malaman nito na pasok siya sa list of top notchers sa katatapos pa lamang na Architecture Licensure Examination 2021.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay Alyanna Marya Tricia Marquez de Villa, mula sa Bicol State College of Applied Science and Technology (BISCAST) sa lungsod ng Naga, sinabi nito na hindi umano nila akalain na nakapasa ito sa naturang pasgsusulit dahil sa una umano ay hindi nila makita ang pangalan nito sa list of passers.
Dahil dito, agad umanong tiningnan ng kaniyang pinsan ang list of top notchers kung saan dito na nakita na pasok sa ikalimang pwesto si de Villa.
Aniya, buhos din ang mga pagbati ang natanggap nito mula sa mga kamag-anak, kaibigan maging sa mga kaklase at mga propesor mula sa naturang unibersidad.
Dagdag pa ni de Villa, hindi umano naging hadlang ang pagkahuli nito ng dalawang taon sa kaniyang mga ka-batch para magpursige sa pagiging architect.
Ngunit inamin naman nito ang mga hirap ng pinagdaanan sa online review dahil kung minsan aniya ay pawala-wala ang internet connection gayundin ang mga power interruptions.
Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin si de Villa dahil aniya hindi naman na mababago pa ang sitwasyon dala ng COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, labis na lamang ang pasasalamat nito sa natamong biyaya at karangalan sa pagiging top notcher sa nasabing pagsusulit.