NAGA CITY – Nagpahayag ng pagkabahala ang isang hukom sa Naga City matapos mapansin ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga rehistradong kaso ng pang-aabuso sa kababaihan at kabataan.
Sa pahayag ni Judge Agaton Fajardo, Acting Presiding Judge RTC Branch 6, Naga City, sinabi nito na nakakaalarma ang pagdami ng mga kaso ng naturang krimen laban sa kababaihan at mga bata.
Ito ay matapos lumabas sa datos na sa RTC Family Court Branch 6 sa Naga City ay mayroon nang nairehistrong 36 na kaso ng Violence Against Women and their Children; 76 kaso ng panggagahasa; 78 kaso ng paglabag sa RA 7610 o ang Special Protection for Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination; mayroon ding tatlong kaso ng paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2007.
Para naman sa paglabag sa Revised Penal Code sa robbery, Unjust Vexation, at Physical injuries ay mayroong 18 kaso at 10 civil cases.
Para naman sa RTC Family Court branch 28, mayroong naitalang 28 kaso ng paglabag sa RA 9262; 61 kaso ng panggagahasa; paglabag sa RA 7610 na may 65 kaso; 13 kaso ng Violation of Revised Penal Code Robbery, Unjust Vexation, Physical injuries, Murder and Homicide at 20 civil cases.
Kaugnay nito, umapela si Fajardo sa mga magulang na protektahan sila at bantayan ang kanilang anak mula sa mga grupo o barkada na nasasamahan ng mga ito upang maiwasan ang pagkakasangkot sa anumang iligal na aktibidad.