NAGA CITY – Isa umanong tagumpay para sa PDEA-CamSur ang pagkakarekober sa nasa P370,000.00 na halaga ng pinaniniwalaang shabu mula sa isang high value target sa isinagawang buy bust operation sa Pasacao, Camarines Sur.

Kung maaalala, una nang kinilala ang suspek na si Juan Pellejero, 46-anyos, residente ng Zone 9, Bgy. Caranan sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Agent Jobert Banania, tagapagsalita ng nasabing ahensiya, sinabi nito na ng kapkapan ng mga otoridad ang suspek, dito na nakuha ang isang kaha ng sigarilyo na mayroong lamang tatlong plastic sachet ng pinaniniwalang shabu na may bigat na nasa 55 grams.

Aniya, matagal na umanong sangkot sa iligal na gawain si Pellejero.

Dagdag pa nito, hindi lamang sa Pasacao nagsusupply ng iligal na droga ang suspek kung hindi maging sa mga kalapit na mga bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na ang nasabing iligal na droga ay nagkakahalaga ng nasa P374,000.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.