NAGA CITY- Naglunsad ng online petition ang Supreme Student Council ng Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA) para ibasura ang panukalang batas na naglalayong baguhin ang pangalan ng unibersidad.
Mababatid na inaprubahan na ng Committee on Higher Education and Technical Education ang House Bill No 10170 na pinanukala ni 2nd District Representive Congressman LRay Villafuerte para pangalan ng Gov Luis R Villafuerte University of Agriculture (GLRVUA) ang CBSUA.
Ayon kay Cong LRay, layunin ng panukalang batas na maimmortalize ang legasiya ng kaniyang ama sa panunungkulan nito nang mahabang panahon sa lalawigan ng Camarines Sur at isa umano rito ay ang pagkakatatag ng nasabing unibersidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Paulo Mamansag, ang SSC President ng CBSUA, sinabi nito na kinikilala nila ang malaking kontribusyon ng namayapang dating gobernador at kongresista ng lalawigan.
Ngunit pinanindigan nitong panatilihin na lamang ang pangalan ng unibersidad lalo na at dito na ito nakilala sa loob at labas ng bansa.
Samantala, gaya ni Mamansag, nagpalabas na rin ng kanilang pahayag ang administrative council at faculty federation ng CBSUA hinggil sa kanilang pagkontra sa nasabing panukala.
Sa ngayon, aabot na sa mahigit 11,000 ang nakapagrehistro na para sa nasabing petition.