NAGA CITY- Nilinaw ng Quezon Provincial Health Office na nakuha na ng ibang bayan sa lalawigan ang nasa 25,000 doses ng Sinovac vaccines.
Kung matatandaan, noong huwebes Nobyembre 25, 2021 nang maibalita na nasa 37,000 ng nasabing bakuna ang nakaimbak at hindi pa naituturok sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Tiong Eng Roland Tan, OIC PHO II ng Integrated Provincial Health Office, hindi kaagad nakuha ang mga bakuna dahil inuna umanong maiturok ang mga bakunang unang dumating sa lalawigan upang hindi masira o masayang.
Ngunit, dagdag pa ni Tan, Nobyembre 26 at 27, nang makuha na ng ibang bayan sa Quezon ang mga bakuna na nakatalaga para sa National Vaccination Day at nakaschedule na rin na kunin ang natitirang mga bakuna.
Kaugnay nito, agad naman nilang inactivate ang mga vaccination sites para sa National Vaccination kung saan katuwang na ng PHO ang Rural Health Unit para makapagturok na ng bakuna.
Hinihintay na rin nila ang ilalabas na kautusan ni Governor Danilo Suarez para hindi na kailangang pumili ng bakuna ang mga mamamayan sa nasabing lalawigan.
Sa ngayon, nasa 27% na ng populasyon ng Quezon ang nabakunahan na laban sa COVID-19 kasali na ang mga nasa edad 12 hanggang 17-anyos.