Tiniyak ng pamahalaan na mabibigyan ng sapat na seguridad at pangkabuhayan ang nasa 36 na mga sumukong miyembro ng rebeldeng grupo sa Mabalodbalod sa bayan ng Tigaon, Camarines Sur.
Una rito, sumuko naturang mga rebelde sa tropa ng gobiyerno kasama na rito ang iba’t-ibang mga armas na pagmamay-ari rin ng mga ito.
Kaugnay nito, sa pagharap ni BGen. Adonis Bajao, ng ADC 9th Infantry Division Philippine Army sa mga kagawad ng media, sinabi nito na binabantayan naman ng mga kapulisan at mga sundalo sa loob ng mga kampo ang nasabing mga dating miyembro ng rebeldeng grupo.
Aniya, may ginagawa na rin umanong mga half-way houses ang lokal na pamahalan ng nasabing bayan na pinondohan ng nasa P5 milyon.
Dagdag pa ni Bajao, ang nasabing mga half-way houses ang magsisilbing pansamantalang kanlungan ng dating miembro ng rebeldeng grupo.
Kaugnay nito, dito umano tuturuan ang mga ito ng mga livelihood gayundin ang pag-enroll sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government Unit (DILG).