NAGA CITY – Nasa P136-K na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa dalawang suspek sa isinagawang buy bust operation sa Zone 2, Barangay San Antonio, Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang mga suspek na sina Allan Asay, 41-anyos at Alex Barasinas, 37-anyos, kapwa residente ng Zone 3, Barangay Del Carmen, Minalabac, sa nasabing lalawigan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), napag-alaman na nabili sa mga suspek ang isang pirasong heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Maliban pa dito, narekober din sa mga ito ang P9,500.00 peso bill na ginamit bilang boodle money.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na nakumpiska pa kina Asay at Barasinas an tatlong pirasong pakete ng pinaniniwalaang shabu na may timbang na nasa 20 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng kabuuang 136,000.00 pesos.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.