NAGA CITY- Aabot a P18,000 ang halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa dalawang suspek sa isinagawang buy bust operation sa Zone-2, Barangay San Juan, Libmanan, Camarines Sur.
Kinilala ang mga suspek na si Joel Pabelona, 42-anyos, construction worker, residente ng Valenzuela City at Marilou Agna, 43-anyos, caregiver, residente ng Barangay Libod 1 sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSGT Emyrose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na naaresto ang mga suspek matapos na makabili ang mga awtoridad ng isang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.
Maliban dito, ayon kay Organis, nakumpiska pa sa mga suspek ang limang piraso ng pinagbabawal na droga at ang ginamit na buy bust money.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon.