NAGA CITY- Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- Bicol ang nasa P4.3-M ang halaga ng pinaniniwalaang shabu mula sa isang negosante sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Naga.
Kinilala ang suspek na si Cherylle Eleria, 46-anyos, residente ng Deca Homes Northfield Subd., Brgy. Bagumbayan Norte sa naturang lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Agent Mark Anthony Viray, Provincial Officer ng naturang ahensiya, sinabi nito na maituturing umanong supplier ng iligal na droga sa lungsod at sa mga karatig bayan nito ang nasabing suspek.
Dagdag pa ng opisyal, mula pa sa Maynila ang naturang pinagbabawal na gamot batay na rin sa mismong pahayag ni Eleria.
Samantala, aabot naman sa mahigit 630 grams ang bigat ng pinaniniwalaang shabu na narekober sa suspek. Mababatid na ang matagumpay na operasyon ay sa pamamagitan ng pinagsanib-pwersa ng PDEA-Sorsogon, PDEA-Masbate at PDEA-CamSur sa tulong naman ng Naga City Police Office (NCPO).
Kaugnay nito, nakabili ang nagpanggap na posuer buyer ng isang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng naturang iligal na droga na nagkakahalaga ng P34,000 gamit ang 500 peso bill at pekeng pera bilang boodle money. Ngunit sinabi pa ni Viray na dalawang buwan inobserbaran ng mga awtoridad si Eleria bago tuluyang gawin ang operasyon laban dito.
Sa ngayon, nasa kustoiya na ng mga awtoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.
Mababatid, noong Marso ng taon din na ito nang masamsam naman ng mga awtoridad ang nasa P6-M halaga ng ilegal na droga sa isa ring buy bust operation na ikinasa rin sa lungsod.
Samantala, nariyan naman ang pagtiyak ng ahensiya na patuloy ang kanilang pagsasagawa ng Anti-Illegal Drugs operations upang subaybayan at panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa lalawigan.