NAGA CITY – Tinatayang aabot sa kalahating milyon ang naitalang pinasala sa pagkakasunog ng isang oil tanker sa Pasacao, Camarines Sur.
Kung maaalala, bandang hapon kahapon nang masunog ang isang oil tanker sa nasabing lugar habang nagkakarga ito ng krudo at gasolina upang ideliver sa mga gasolinahan sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO3 Alfonso Capillano, fire marshall ng Pasacao Bureau of Fire Protection, sinabi nito na nakatanggap umano ang kanilang himpilan ng tawag mula sa isang concerned concerned citizens hinggil sa nasabing insedente.
Aniya, agad naman silang rumisponde sa lugar ngunit inabot pa ng lampas isang oras ang bago naideklarang fire out ang nasabing sunog dahil na rin sa malapit ito sa dagat na nagdagdag sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Dagdag pa ng opisyal, mabuti na lamang umano at naisara na ang vault ng nasabing oil depot bago pa tuluyang kumalat ang apoy kung kaya hindi naman ito nadamay pa.
Samantala, ayon naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad, tinataya umanong nasa kalahating milyon o P500,000.00 ang kabuoang pinasala na dinala ng nasabing sunog, ngunit maaari umanong madagdagan pa ito kung sakali na makapagpasa na ang may-ari ng oil tanker at oil depot ng kanilang mga affidavit of loss.
Sa ngayon, panagawan na lamang ni Capillano sa mga oil companies na sumunod at mag-comply sa mga hinihingi nilang papeles at requirements dahil ito’y para rin naman sa kanilang kaligatasan at upang maiwasan ang kaparehas na insidente.