NAGA CITY – Tinatayang aabot sa P520,000 na halaga ng pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska sa isang babae sa isinagawang buy bust operation sa Brentwood Subdivision, Barangay Mayhay, Lucena City.
Kinilala ang suspek na si Micaela Vianca Marie Rodriquez, 29-anyos, residente ng Carmilite Subdivision, Barangay 11 sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na nakabili ang nagpanggap na poseur buyer sa suspek ng isang pirasong heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu kapalit ng P1,000 bilang buy bust money.
Maliban sa buy bust item, nakumpiska rin kay Rodriguez ang anim pang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu at iba pang mga drug paraphernalia.
Kaugnay nito, ang pitong piraso ng pinaniniwalaang shabu na nakuha sa suspek ang may bigat na 25.70 gramas at tinatayang nagkakahalaga ng P524,280.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.