NAGA CITY- Pinaniniwalaan ng mga otoridad na ang bangkay na natagpuan sa baybayin ng Cabusao, CamSur kahapon, ay ang nawawalang suspek sa brutal na pagpatay sa magkapatid na Divinagracia sa lungsod ng Naga.
Sa nagin pagharap sa mga kagawad ng media ni PCPT. Albert A. Joven, Acting Chief of Police ng Cabusao MPS, sinabi nito na mayroong nagpa-abot ng impormasyon sa kanilang opisina patungkol sa natagpuang bangkay nang isang indibidwal sa baybayin ng Sitio Villasan, Barangay Castillo, Cabusao, Camarines Sur.
Kaugnay nito, kaagad umano na pumunta sa lugar ang kanilang imbestigador upang magresponde sa insidente.
Ayon kay Joven, mismong ang ama at dalawang kapatid ng suspek na kinilalang si Marfe Hufancia ang nagkumpirma sa pagkakakilanlan nito batay sa nakuhang pustiso, damit at singsing mula sa bangkay na siyang nagtuturo na pagmamay-ari umano ito nang kanyang nawawalang anak.
Samantala, ayon naman kay Mario Hufancia, ama ng suspek upang mas makasiguro na talagang ang kanyang anak ang natagpuan sa nasabing lugar hihintayin umano nila ang isasawagang DNA Testing ng mga kapulisan.
Dagdag pa ni Mario Hufancia, kahit kagustuhan nila na pumunta sa burol nang magkapatid na Divinagracia at personal na humingi ng tawad sa pamilya nito, alam umano nila na labis ang galit at poot ng mga ito lalo na’t ang kanyang anak ang itinuturong responsable sa karumaldumal na krimen.
Sa ngayon, ayon sa Cabusao MPS na posibleng aabutin pa nang buwan bago malaman ang resulta ng DNA test sa bangkay nang indibidwal na natagpuan sa kanilang bayan.














